Paglayag | @joreneagustin
Sa kalagitnaan ng
mahabang paglalayag:
Pawis, panghihina, at pagod
ang naramdaman.
Mga kamay na namamanhid
mula sa paghawak ng manobela
Mga matang kanina’y naluluha
habang tinatahahak —
mabato, masikip at malikong daan.
Ngunit sa kalagitnaan,
aking nasulyapan —
Ang matingkad
na sikat ng araw,
Kasama ang makulay
at berdeng kapaligiran.
Tumigil ang gulong
mula sa paglalakbay,
Nagpakawala,
isang buntong hininga.
Bigyan ng oras ang sarili
Damhin ang bawat sandali
Magpahinga —
mula sa mainit na biyahe.
Ipikit ang mga mata
Huminga ng malalim,
yakapin ang malamig na simoy
at sariwang hangin,
At sa pagmulat, pinapanood:
mga halamang sumayaw,
asul na kulay ng kalangitan,
at ang patuloy na pagsikat ng araw.
Mula sa kalayuan
ay aking narinig,
Sa damdamin,
nagbibigay himig.
Awitin ng mga ibon —
ang nagsilbing musika.
Sulit nga ba ang sandaling pagtigil?
Marahil nahuli na sa biyahe
Tila wala ng kasabay
sa pag abante.
Ngunit ayos lang kung ang kapalit
ay may lakas na tatahakin —
sumusunod na masikip, mabatong daan,
isama mo pa, kurbang walang hanggan.
Dahil isang bagay
ang aking nasisiguro.
Masisilyan din ang dulo,
Makakarating sa hantungan ko.