Papaya, Talbos ng Kamote at Daing

in #steemph5 years ago

PAPAYA, TALBOS NG KAMOTE AT DAING

Madalas akong napapadaan sa palengke ng Antipolo. Aking nasasaksihan ang sandamakmak na mga tindero at tindera...magkakatabi... pare-pareho ng ibinebenta.

Bilang tindero rin mula pa noong college, alam ko yung pakiramdam na buong araw kang nagsipag pero di ka man lang kumita sa buong araw. Kaya kahit gabi na ihelera lang ang paninda baka at baka nga meron pang bibili.

Nadaanan ko ulit yung isang ina sa isang pinakiusapang pwesto nya na nagtitinda ng mga gulay. Kasama nya ang kanyang mga anak. Mga musmos pa lang alam na magtinda at mag-estima ng mga dumadaan para bumili.

Nadaanan ko rin ang isang lola sa isang sulok na di mo mapapansing tao pala dahil madilim ang kanyang pwesto kaharap ang iilang pirasong dahon-dahon na tila bunga ng mga sariling pananim.

Nadaanan ko rin ang isa pang ale na inaaway ng kanyang pinagkakautangan. Mangyari kasi ay ilang araw ng di nakakapaghulog. Mahina raw ang benta.

Ilang araw ko na silang nakikita. Halos matuyo na ang ilan sa kanilang paninda.
Yung damit nila kahapon pa yata nila suot.

Isa-isa akong bumili ng mga paninda nila. Basta binili ko walang dahilan. HINDI AKO TUMAWAD.

Yung ina na kasama ang mga musmos nyang anak, bigla na lang napaupo. Kinabahan ako. Nahihilo raw sya. Ilang sandali tumayo ulit at ang sabi wag na ako mag-alala.

Yung lola sa madilim na sulok. Matapos kong bilhan tinanong ako bakit palaging gabi ako namamalengke. Dapat daw sa kalagayan ko nasa bahay lang ako. Tinawag nya akong apo. Gusto ko rin sabihin na. "Nay dapat sa kalagayan mo po ikaw ang nasa bahay".

Yung aleng inaaway ng inutangan nya matapos kong bumili sinipat ang bag ko at ang sabi, "Ang bigat ng bag mo utoy. Baka hindi ka na lumaki nyan"

Ewan ko. Di ko mapigilang maiyak. Alam mong hirap sila pero nagsusumikap. Alam mong marami na silang inaalala pero nakuha pa nilang mag-alala para sa iba.

Araw-araw maraming nagtitinda. Nagtitinda para makatawid ng isang araw pa ulit. Yung tumawad ka ng limang piso baka yun na mismo yung tubo nya. Yung pinisil-pisil mo yung paninda nya tapos di ka naman pala bibili pero isport lang sya.

May karapatan tayong mamimili. Pero kung napakamura na ng tinitinda ng tindero/tindera hayaaan mo na syang kumita.

Mas maigi na suportahan natin sila. Ito ang kanilang nasa isip na gawin. Ito ang kanilang kakayahan. Maliit na tubo, maliit na kita para sa buong araw na pagod, mainit na sikat ng araw, nauulanan pa at kung susuwertihin nahuhuli pa ni mamang pulis.

Mas gugustuhin ko na silang makitang nagtitinda kaysa namamalimos o nanghihingi. Maswerte pa rin tayo dahil nasa mas maayos tayong sitwasyon.

Ngayon itong papaya, talbos ng kamote at daing ang problema kong lutuin. Alam ko na. Isasahog ko na lang sa munggo.

Aja....

b25.jpg

Coin Marketplace

STEEM 0.24
TRX 0.21
JST 0.036
BTC 97455.52
ETH 3338.22
USDT 1.00
SBD 3.34