Ang Mangangaral Sa Damasco
Kabanata 5
Ikatlong bahagi ng kabuuaang bilang ng iyong mga kampon ang sukat at lakas ng iyong kapangyarihan. Habang dumadami ang iyong mga disipilo ay lalong namang lumalakas at tumitindi ang iyong kapangyarihan tulad ng papasikat na araw tungo sa katanghaliang tapat. Sa talaan nakasalalay ang buhay at kamatayan ng iyong mga miyembro. Punlaan mo silang lagi ng takot na kung wala sa talaan ay hindi na anak ng Diyos sa halip ay balik na sila sa pag-aari ng diablo, balik sila sa kadiliman at sama-sama silang dadalhin sa naglalagablab na apoy.
Kung mayroong hindi luluhod sa iyo ay huwag mong panghinayangan - itiwalag mo. Kung may lalaban at hindi magpapasakop ay lipulin mo at huwag mo ng bigyan pa ng pagkakataon na makahugot pa ng sandata kahit iyan ay magulang mo pa o sariling mga kapatid. Huwag mong bibigyan sila ng pagkakataon ng makabuwelo pa at makakuha ng mga makikisimpatiya. Lipulin mo ng lubusan pati ang pamilya ng pamilya nila. Pakilusin mo ang lakas ng salapi at impluensiya. Ang pinag-uusapan na dito ay ang agawan ng kapangyarihan, salapi at mga miyembro mo na ang mga ito ay hindi dapat mawala at maagaw sa iyo at hindi rin papayagang mawala ng mga taong nasa paligid mo ang iyong kapangyarihan kaya kahit sa mali ay ipagtatanggol ka nila na may lihim na ngiti, papatay sila kung kinakailangan sapagkat minsan lang itong nangyari sa buhay nila ang magkaroon ng mataas na tungkulin sa panahon mo.
Bumuo ka ng isang grupo sa iyong relihiyon na tagadukot, tagapatay at taga-suhol at iba pang mga krimen na kaya nilang gawin ngunit balutin mo sila sa isang tungkulin na ang gampanin ay pangkabanalan, pagmamalasakit sa kapwa at mga pagtulong ngunit sa pinaka-loob ay mga mandirigma na lilipol sa sinumang lalaban sa iyo at hindi magpapasakop. Sila ang mga magiging mga reserba mong mga kawal. Gamitin mo ang mga salaping inihandog sa iyo ng iyong mga disipulo na pangtali, pangkontrol, panggipit, pang-latigo at pangtakot sa sinumang hindi susunod sa iyo. Ito rin ang gamitin mong pangsuhol sa mga miyembro mo na marami ng nalalaman sa takbo ng iyong organisasyon. Pangsuhol sa mga alagad ng batas, pangsuhol sa mga tao ng pamahalaan at pangsuhol sa mga tagapagbalita.
Kapag itiniwalag mo ang sinumang ayaw magpasakop ay wala na silang kaugnayan sa sa iyo at sa iyong organisasyon. Ikintal mo sa isip nila na ang pagtatanong at ang pagsusuri sa iyong pamamalakad ay isang uri ng paglaban, pinakamabigat na kasalanan at ikatitiwalag. Sa pamamagitan ng talaan ay magkakaroon ka ng kapangyarihan na itiwalag ang lahat ng iyong miyembro kung sila man ay matanong sa iyong pamamalakad, hindi nagpapasakop at lalaban sa iyo. Itiwalag mo man silang lahat ay maiiwan sa iyong mga kaban ang kayamanang higit pa kay Solomon.
Sa bawat paglipol mo sa mga ayaw magpasakop ay sundan mong lagi ng marami at sunod-sunod na mga aktibidad na pang-relihiyon, mga aktibidad na pampasigla, pampatibay ng kanilang pananampalataya at pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos. Libangin mo sila sa mga aktibidad upang hindi nila makita ang iyong kalupitan, kasamaan at corruption. Harangin mo lagi ang anumang usok ng mga balita na magdudulot ng eskandalo sa iyong relihiyon, gamitan mo ng impluwensiya, salapi at kapangyarihan.
Sa pamamagitan ng marami at sunod-sunod na mga aktibidad na pang-relihiyon at unti unti nilang malilimutan ang iyong mga kasamaan hanggang sa magpikit mata na lamang sila. Gamitin mo ang mga makabagong teknolohiya upang ipaalam sa mga miyembro mo ang mga magagandang mga bagay, mga magagandang balita na nagpapatunay na totoo at sa Diyos ang iyong relihiyon. Ito ay para lamang paglalaro ng baraha, ang ipapakita mo at laging isusubo sa kanila ay yaon lamang magagandang baraha, ang mga bagay na hindi makatutulong sa iyong interes ay buong ingat mong itago. Bumuo ka ng mga grupong banal sa iyong relihiyon na lilikha at magpapakalat ng mga kasinungalingan tungkol sa mga taong ayaw magpasakop sa iyo. Sirain mo at durugin ang kanilang mga pagkatao sa pamamagitan ng mga kasinungalingan. Tandaan mo na ang kasinungalingan, kapag laging sinasabi ay unti-unting nagiging totoo.
Pakaingatan mo ang iyong timbang at pangangatawan baka mahalata ka at ang iyong pamilya na kayo ay nagpapasasa. Mahahalata nila na ikaw ay balatkayo kung napakataba mo at puro mantika ang buong pangangatawan at ang iyong mga tagasunod ay pawang nangangayayat at halos walang makain. Ngunit kung sila ay paniwalang -paniwala na ay hindi na rin nila ito papansinin maliban na lang sa mga miyembro mo na may normal na pag-iisip. Ang matabang pangangatawan ay sintomas ng katakawan at kasakiman. Kaya ingatan mo ang sukat ng iyong pangangatawan. Dahan-dahan lang sa katakawan pati ang iyong sambahayan. Ingatan mo ang sukat ng iyong pangangatawan para mapaniwala mo ang iyong mga tagasunod na kasama ka nilang nagugutom at nagtitiis. Huwag din naman na sobrang payat baka isipin nila na ikaw ay pinababayaan na ng Diyos. Sa pagpasok mo sa iyong silid ay nasa iyo na kung maglalangoy ka sa salaping abuloy ng iyong mga nauto.