Ang Mangangaral Sa Damasco

in #religion7 years ago

Kabanata 2

Lagi mong pagsikapang ituro sa kanila ng ang relihiyong ipinangangaral mo ay siyang totoo at naiiba kaysa anumang relihiyon. Bayang pinili o hinirang. Ipangaral mo na ang lahat ng mga relihiyon sa lupa ay huwad at sa diablo at sa iyo lamang ang totoo at bukod tanging maliligtas. Marami kang makakabangga at makakaaway lalo na sa pasimula ng iyong pangangaral ngunit makatatawag ka ng pansin. Ang mahalaga ay hindi ang mga kaaway kundi ang mga maaakit mo. Napatunayan na sa maraming kasaysayan na ang mga naniniwala na sila lang ang totoo at sila lamang ang bayan ng Diyos at mga pinili ng Diyos ay ang mga taong magaan na hubugin na maging mga panatiko.
Ikintal mo sa isip nila na ikaw lang ang sugong ipinadala ng Diyos sa panahon mo para magturo, mangaral at magpaliwanag ng Kanyang mga salita. Kung ikaw ay paniwalaan nilang mensaherong galing sa Diyos ay magaan mo nang mababaluktok ang mga nakasulat sa aklat na gagamitin mo at magkakaroon ka ng kalayaan na bigyan ito ng ibang pakahulugan. Hindi sila magtatanong ng higit sa alam mo dahil napaniwala mo sila na ikaw lamang ang pinagtiwalaan ng Diyos na mangaral sa kanila ng mga salita ng Diyos. Gumamit ka ng mga referensiya na susuporta sa itinuro mo na mula sa aklat na iyong gagamitin. Ang mga aklat referensiya ang magpapasalita sa iyong mga disipulo na "oo nga no!". Pagbawalan mo silang bumuklat, magbasa, magsuri at magpaliwanag ng sagradong aklat upang sa ganun ay mamalagi silang naka-depende sa iyo at madali mo silang mako-kontrol. Maaari silang magtanong tungkol sa pananampalataya ngunit mag-aabang sila ng sagot mula sa iyo. Hindi nila hahanapin ang kasagutan sa kanila o sa iba dahil napaniwala mo na sila na ikaw lamang ang may awtoridad na magpapaliwanag at makapangangaral sa kanila at ang ibang mga mangangaral ay mga huwad at mandaraya o bulaan. Tawagin mo silang mga bulaaang propeta.
Sirain mo ang kanilang loob na magbasa ng aklat na ginagamit mo. Ituturo mong lagi sa kanila na kahit basahin nila iyon ay hindi rin nila mauunawaan dahil hindi sila mga sugo ng Diyos, sila ay mapapahamak kung ito ay ituro nila at ipangaral.
Kung ikaw lamang ang tanging autoridad na maaaring bumuklat, magbasa at magpaliwanag ng aklat na yaon ay magiging bukal ka na nila ng buhay. Kauuhawan nila ang iyong mga turo at pagpapaliwanag. Nakahanda silang maglakbay ng malayo, mainitan at maulanan makarating lamang ng pagsamba at matanggap ang iyong pinagtagni-taning mga talata mula sa iyong sagradong aklat. Kapag nanalaytay na sa dugo nila ang matamis na lason, magiging pakiramdam nila ay hindi sila mabubuhay kung wala ka.
Masusukat mo ang iyong mga tagasunod kung sila ay lulong na sa turo mo at sila ay sa iyo na, kapag sa hinaharap na panahon ay nakagawa ka ng immoral o kaya'y nahayag na ginawa mong corruption o kasamaan ngunit sa kabila ng mga ito ay magsasabi pa rin sila na magpapatuloy at mananatili dahil sa Diyos sila naglilingkod at hindi sa tao. Iyan ang palatandaan na magiging makapangyarihan ang iyong relihiyon. Sa ganitong paninindigan kailangang makarating ng iyong mga alagad. Ang ganito ang mga magiging mabuting mga pukyutan na magra-rasyon sa iyo at sa iyong pamilya ng pulot-pukyutan habang -buhay - hangga't sila ay naniniwala at hindi natitiwalag. Ngunit may higit pa rito na pananampalataya na dapat marating ng lahat ng iyong mga kaanib. Ito ay ang mahubog mo sila na ang pagpatay sa mga taong humahadlang sa iyong gawain at pananampalataya ay isang malaking kabanalan. Ang pumatay ng kaaway ng pananampalataya ay magkakaroon ng magandang kalagayan sa langit. Kapag na kondisyon mo ang kanilang pananampalataya sa ganitong kalagayan ay nabibigyan mo napakatibay na proteksiyon ang iyong sarili at ang iyong pamilya. Sila ay magiging mga disipulo at mga sundalo mo. Maari ka nang mag utos kung sinuman ang ibig mong gipitin, ipakulong o ipapatay.
Ang totoo itiwalag mo man ang ganitong mga tagasunod ay babalik at babalik sila sa iyo dahil naiprograma mo na sa isip nila ang isang malaking takot na ikaw lang ang makapaghahatid sa kanila sa mga pangako ng Diyos. Ang mga taong sugapa na sa mga aral mo ay hindi nila namamalayan na sila na ang nagbibigay ng salapi para mabuhay ang iyong relihiyon ay sila pa itong pinagagalitan at minumura ng iyong mga mangangaral. Ang totoo ay molestiyahin mo man sila o ng iyong mga mangangaral ay maaaring magdaramdam sila ngunit hindi pa rin sila aalis sa relihiyong pinaglagyan mo sa kanila dahil naikintal mo sa kanila na wala ng ibang relihiyon ang maaari nilang puntahan na may kaligtasan. Pananaligan nila na ang Diyos ang naglagay sa kanila sa relihiyong ipinangaral mo.
Ang paggawa ng tema o leksiyon ay nakakatulad sa paggawa ng isang irigasyon. Paikot-ikot ngunit ang direksiyon ng tubig ay laging papunta sa iyong bukirin. Ganyan tumatakbo ang sansinukob na tayong lahat ay pinatatakbo ng pansariling kapakanan na binabalot ng kunwari ay pagmamalasakit na mga pagtuturo at paglilingkod sa Diyos. Huwag kang gagawa ng leksiyon na pampukpok mo sa sarili mong ulo. Lahat ng tema ng leksiyon ay pawang pabor sa iyo at sa relihiyon mo.
Sa pagtuturo mo sa kongregasyon ay maglagay ka ng tagabasa mo ng kasulatan, sa gayun ay maipakita mo sa mga alagad mo na ikaw ang may hawak ng timon. Nasa kamay mo kung saan mo dadalhin ang mga kaluluwa ng mga naniniwala na ikaw ay sugong ipinadala ng Diyos. Ang mga mangangaral mo ay huwag mong papahintulutan na mayroon silang mga tagabasa. Lagi mong lagyan ng pagkakaiba ang iyong posisyon sa tungkulin ng iyong mga mangangaral.
Ipakita mo sa maraming paraan na ikaw ang hari ngunit ang totoo ay higit ka pa doon. Sa bawat templo na iyong ipagagawa ay maglagay ka ng isang uri ng upuan sa unahan ng kongregasyon, sa pinakagitna ng mga upuan ng iyong mga mangangaral, na walang sinuman na maaaring umupo doon na sinuman sa iyong mangangaral o kahit ang Diyos, sa tuwing makikita ng iyong mga disipulo na ikaw ang naroon ay naipapakita mo sa kanila na ikaw ang hari. Ang totoo ikaw ang diyos sa iyong relihiyon, bagay na hindi mo nga lang maaaring ihayag sa iyong kongregasyon kundi iiwanan ka ng iyong mga kampon.
Sa iyong mga pagtuturo sa panahon ng mga pagsamba ay kumuha ka mula sa iyong mga mangangaral ng mga may kaloob sa panalangin, na iiyak ang mga dumalo ng pagsamba sa pamamagitan ng mga piling salita na makaaantig ng kanilang damdamin lalo na kapag hinaluan ng makabagbag damdamin na tinig at tono na parang magugunaw na ang buong sanlibutan kinabukasan. Puntiryahing lagi sa pananalangin ang emosyon ng tao. Ang mga pagsubok o kahirapan nila, ang mga pag-uusig na dinaranas nila, ang mga tungkol sa mga anak, mga magulang, mga maysakit at mga kasalanan.Kapag ang mga ito ang kanilang naririnig ay aatungal silang parang mga baka at habang nagbibigay ng salapi sa iyong mga supot ay hihikbi-hikbi pa. Pagdating sa bahay ay daratnan nilang umiiyak ang kanilang mga maliliit na mga anak dahil sa gutom at walang makain, dito ay bahala na sila sa buhay nila ang mahalaga ay nakuha mo na sa kanila ang kanilang salapi. Ganyan kalakas ang bisa ng pagtuturo at mga panalangin, kaya nitong pigaiin ang kahuli-hulihang patak ng kanilang mga bulsa. Ang pinaka-mapagpaimbabaw na mangangaral lamang ang makagagawa ng ganitong mga uri ng mga panalangin. Iyan ang hanapin mo sa iyong mga mangangaral. Kapag napakinabangan muna ay gawan mo ng paraan na mawala na siya sa posisyong iyon, puwede mo na siyang tadyakan sa likod at maghanap ka uli ng iba na may gayun din kaloob. Kapag nasa kanya na ang posisyong iyon ang magiging pakiramdam niya ay para na siyang nasa langit. Kapag nakarating na siya sa ikapitong langit ay alisin mo na siya o kaya ay ilipat mo ng posisyon. Paparami ang iyong mangangaral, marami kang mapagpipilian. Hindi lahat ng mga mangangaral ay may gayung kaloob sa pananalangin dahil hindi kayang tanggapin ng lahat ang mataas na uri ng kapaibabawan. Hindi mo pakikinabangan ang mga gayun. Iyon ang mga magiging karaniwan.
Sa relihiyon, ay hindi ka susulong kung hindi mo tataglayin ang mataas na uri ng kapaimbabawan. Tayo ay nasa panahon na ng malalim na pagkukunwari. Kailangang gawin ito upang maakit ang mga tao na kayo ay totoo-totoo. Hindi alam ng iyong mga mananamba na ang gayung mga panalangin ay paulit-ulit lang sa magka-kakaibang mga dako. Kapag naantig sila sa pagtuturo at pananalangin ay lalabas silang nagsasabi na napaka-biyaya ng pagsamba, napaka-sarap ng ipinakin sa kanila at lumakas sila. Ang bunga ninyo ay lalo nilang daragdagan ang kanilang mga abuloy at handog.

Sort:  


This post was resteemed by @funaddaa!
Good Luck!

Resteem your post just send 0.100 SBD or Steem with your post url on memo. We have over 3600+ followers. Take our service to reach more People.

just send 1 SBD or Steem with your post url on memo we will resteem your post and send 10 upvotes from our Associate Accounts.

The @funaddaa users are a small but growing community.
Check out the other resteemed posts in funaddaa's feed.
Some of them are truly great. Please upvote this comment for helping me grow.

You are such a great writer. I agree with you that religion is being used to make a fatter purse

Coin Marketplace

STEEM 0.26
TRX 0.21
JST 0.038
BTC 98006.84
ETH 3638.04
USDT 1.00
SBD 3.85