Sa Mundo ng Kawalan
Madilim ang kalangitan
Nang aking mapakinggan
Ang ingay ng
Nakabibinging katahimikan;
Nasaan ako?
Iyon ang nasa sa aking isipan.
Ako’y ulilang musmos
Sadyang pinagkaitan
Ng lahat ng bagay
Sa aking kapaligiran;
Mahalaga ba ako?
Iyon ang hindi ko alam.
Munting silaw
Ang aking natitinigan,
Ngunit ito’y biglang
Lumisan ng tuluyan;
Bakit ganito?
Iyon ang sigaw at pinaghihinakitan.
Ilang saglit pa
Ang matuling dumaan,
Lumingon-lingon ako
At saka natigilan;
May kasama ba ako?
Iyon ang tanong ng sadyang iniwan.
Nagyeyelo
Ang nakangingilong hangin
Nang ito’y humaplos
Sa balat na sa akin;
Kailan pa ba ito?
Iyon ang tanong ng aking kainipan.
Sa aking pangungulila
Sadya kong nakapa,
Ang ganitong pakiramdam:
nahihimlay,
naiwan,
sa mundo ng kawalan.
Hello everyone! I just wanted to share this poem I wrote when I was in High School published under our news letter "Alon". I hope you enjoyed reading it. Thank you!