"tahan na. Tama na ang pagbubulag-bulagan"... filipino poetry.
hello po sa lahat, magandang araw po! mayron po akong ihahandog na magandang tula para sa inyo.. ito po ay tungkol sa pag-ibig at buhay nang tao. malungkot na tula tila bay nag uutos sa ating mga luha na kumawala. sana po basahin nyo, at sanay magustohan nyo.. thanks and godbless!
"TAHAN NA. TAMA NA ANG PAGBUBULAG-BULAGAN"
Bumuhos na nga ang malakas na ulan,
Ngunit nariyan ka pa rin, umiiyak ng walang katapusan.
Mga luhang bunga ng masakit na ala-ala,
Luhang mula sa mapupungay na mata na tila ba namamaga na.
Mga ala-alang puno ng poot at pait,
Ala-alang walang kasing sakit.
Hindi mawari kung makakabangon pa,
o kaya'y kung kakayanin pa.
Ang pag-iyak na kasabay ng kulog at kidlat,
Mga tunog na nagtatago sa iyong paghikbi,
Nagtatakip sa pag-iyak ng pusong may pilat,
Nagtatago sa mapapait na ngiti.
Likidong pumapatak sa bintana na kagaya ng pagtulo ng luha mo,
Walang hinto, walang katapusan, walang hanggan.
walang hanggan gaya ng dating pagmahahalan.
Dating pagmamahalan na 'sing init ng kape tuwing umaga
na yumayakap sa mga bisig na nagsasabing, "Mahal, gising na."
'Sing tamis ng mga ngiti sa labi na ipahihiwatig ang mga katagang, "Mahal na mahal kita."
'Sing tatag ng pader na tila ba walang makagigiba.
Ngunit...
Ngunit sa kabila ng lahat, sa kabila ng magandang sikat ng araw, darating at darating din ang unos.
Unos na gigiba sa matatag na pader,
Unos na magtatanggal ng init ng kape na nagsasabing, "Mahal, tama na."
Unos na mag-aalis ng mga ngiti at ipahihiwatig na, "Mahal, ayoko na."
Tama na ang pagbubulag-bulagan,
Na tila ba hindi nakikita ang katotohanan.
Iniwan kana ngang luhaan,
Umaasa ka pa ring ika'y kanyang babalikan?
Tama na ang pagbibingi-bingihan na tila ba hindi naririnig ang pagkulog ng masasakit na salita,
Ang pagkidlat ng mga katagang, "Mahal, nakakasawa din pala."
Habang sya ay walang pakialam sa'yong nararamdaman,
Na tila ba nagmamanhid-manhidan.
Tama na. Tahan na.