May mababago ba kung tatakbo ako?

in #philippines6 years ago (edited)


imahe mula sa

Naupo siya sa isang baitang ng hagdan. Pinagpag muna ang medyas at pinunas sa sakong bago tuluyang balutan nito ang mga paa. Hawak ang pares ng sapatos sa magkabilang kamay, ginalugad niya ang sintas na nakapasok sa loob ng sapatos. Sumisipol-sipol pa siya habang excited na sinusundan ang paekis-ekis na pattern ng pagsintas sa sapatos na gagamitin.

May kung anong sigla para sa kanya ang araw na iyon. Nag-aanyaya ang araw. Na para bang tinatawag siya para lumabas at damhin ang init nito na dadampi sa kanyang balat. Mahaba-habang linggo din ang nagdaan na hindi gaanong umaaraw. Napapadalas ang ulan kaya napapadalas din ang kalungkutan niya. Dahil para sa kanya, may kung anong hindi magandang karanasan sa ulan ang ayaw na niyang magunita.

Matagal-tagal na panahon na din ang lumipas simula noong huli siyang makatakbo. Anim na taon ang kanyang ipinahinga dahil sa iniindang karamdaman. Palaging kumikirot ang puso niya. Ayaw niya magpatingin sa espesyalista dahil natatakot siya na malaman kung anong sasabihin ng doktor tungkol sa kalagayan niya.

Isa na rin sa kinatatakutan niya ay ang malaman kung hanggang kailan na lamang siya tatagal. Alam niya sa sarili na hindi na siya kalakasan at kakisigan buhat nang mag-resign siya sa trabaho at mas piniling magtrabaho sa kanilang manggahan. Dalawang ektaryang matabang lupa na pinatubuan ng kinalburong mangga.

Mas gusto niya ang simoy ng hangin sa parang. At ang ingay na nalilikha ng kaluskos mula sa mga dahon ng punong mangga. Kaysa sa lamig ng hanging ibinubuga ng aircon sa opisina at ang langitngit ng makina na iritableng mapakinggan ang ingay nito.

Pero hindi pa rin pala siya ligtas sa kemikal na dulot ng mga pausok sa puno. Ang pag-ispray ng insecticide, ang pagsisiga sa mga dahon, ang pagpapaningas ng apoy para sa pagsisiga -- ilan lamang ito sa mga hindi maiiwasang kaganapan sa agrikultura na araw-araw niyang dinaranas.

Bukod pa doon, ang pagbubuhat ng mga kaing tuwing buwan ng Mayo. Malakas ang produksyon ng bunga at malaking salapi ang kinikita nila dahil sa masaganang ani. Hindi bababa sa limampung kaing ang kanilang naididispatsa at isinasakay sa pambyaheng trak. Makaka-ilang balik ang trak para ilako sa karatig-nayon at sa iba pang sinusuplayan na mga tindahan.

Hindi biro ang gawain sa panahon ng pag-ani. Nakikipagkumpetensiya rin sila sa iba pang tao na mayroon ng pangalan at matagal na sa industriya. Hindi rin ganoon kadali maging supplier at makahanap ng mga suking customer. At hindi rin makakaligtas ang mga benta nila sa barat na mamimili na kung lumamutak sa kanilang paninda, may papisil-pisil at dutdot pa na kasama, pero tatanggihan din pala ang inaalok at magbabanggit pa na kesyo mas mura daw kay ganito kay ganyan.

Ah! Mangga! Hugis puso, kulay ginto. Mabango kung amuyin, masarap kung kainin. Kung maaari lang sana na maging ginto na lang din ang puso niya. May pinaghuhugutan siyang damdamin mula sa mangga dahil naaalala niya ang kanyang puso sa tuwing maaalala rin niya ang bunga ng mangga.

Ang nabuong pag-iibigan nila ng naunang kasintahan na kanya ring iniwan nang makabuo sila. Hindi pa siya handang managot at pasanin ang mabigat na responsibilidad. Pero hindi na siya bata nung panahong iyon. Nasa wastong gulang na at may trabaho. Gusto lamang niyang magbuhay-binata pa rin at magpatuloy sa kasiyahang kanyang ini-enjoy habang siya'y hindi pa itinatali.

Masyado na siyang madaming alaalang binalikan, nakalimutan niya panandalian ang kinang ng sikat ng araw. Ang kagustuhan niya na makalabas at makatakbong muli. Ang muli niyang paglabas mula sa shell na pinagkukulungan niya bilang vulnerable na inakay. At heto ngayon, makakatakbo na muli siya pero nanaig na naman ang kaba sa kanyang dibdib.

Paano kung madapa siya habang nananakbo, makakaya pa kaya niyang tumayo? Ilang beses na siyang natumba sa karera ng buhay niya. Pero andito pa rin siya at nagnanais na tumakbong muli. Oo, mahihirapan agad siyang makabangon pero hindi niya sinusukuan ang hamon.

Dati-rati ang hilig niyang tumakbo. Kada may problema siya, ang kanyang solusyon ay pagtakbo. Hindi niya lalakeng hinaharap lahat ng ito. Nasa natural na pagkatao niya ang pagtalikod at pag-iwas. Defense mechanism, ika nga sa teknikal na paliwanag. Wala siyang ginawa kundi tumakbo at umiwas. Tumakbo nang tumakbo hanggang sa mapagod sa kanyang maghabol ang mga tao.

Katulad na lamang ng babaeng nabuntis at tinakbuhan niya. Ang pagkatalo rin sa sugal na halos kalahating-milyon, tinakbuhan niya ang may-ari ng pasugalan. Ang utang din sa kanyang tiyuhin, ang kaisa-isang taong nalapitan at nahingan niya ng tatlong daang libo na ipambabayad dapat niya sa pasugalan-- ultimo kamag-anak niya nagawa rin niyang lokohin at takbuhan. At ang pagtangging maging testigo sa isang krimen. Siya lamang ang inaasahan ng pamilya ng biktima na magsasalita at maglalahad ng katotohanan sa korte. Pati ang krusyal na bagay na iyon ay nagawa rin niyang takbuhan. Na ngayo'y pinagsisisihan niya dahil malayang nakaalpas ang tunay na may sala.

Ah! Sobrang daming pangyayari na pala ang kanyang tinakbuhan at tinalikuran. At ngayon ay nasalubong na niya ang karma ng buhay niya. Nakakatawang isipin ang pagbibiro ng tadhana sa kanya. Kung noon ay mahilig siyang manakbo, ngayon naman ay nahihirapan na siyang makatakbo. Literal na pagtakbo. Kung paanong ang panahon ang naningil sa kanyang kalusugan at pagkatao. Wala siyang magawa kundi pagbayaran ang paniningil ng tadhana.

Dumidilim na muli ang kalangitan. Nagbabadya na naman ang pagdating ng unos. Nagpakita lang sandali ang haring araw. Hindi niya sukat akalain na lilisan din agad ito. Lilisan habang nasa katirikan siya ng paggunita sa mga alaalang pilit niyang inuungkat sa isipan.

Nagsisitakbuhan na nga ang mga tao. Nagsisimula na namang pumatak ang ulan. Hindi ito nagsimula sa ambon dahil kaagad malalaking patak ang inihulog ng nagdilim na langit. Wari ba'y nagngangalit ito sa paglabas niya mula sa kanyang kinasasadlakan. Ilang sandali pa, malakas na bumuhos ang tubig na para bang luhang nag-uunahang pumatak sa matang hindi mapigil sa pag-iyak ng taong labis na nasaktan.

Nakatayo lamang siya sa ulanan. Nakatingala sa langit at ngayo'y dinarama ang patak ng tubig sa kanyang mukha. Itinungko niya ang isang tuhod sa malamig na semento. Nasa posisyon siya na handa ng manakbo. Mapipigilan ba siya ng ulan kung gugustuhin niyang tumakbo? Hindi ang ganda ng panahon ang rason kung bakit ninais niyang tumakbo. Hindi rin ang sapatos na gusto niyang isuot.

Nabuksan na ang isip niya sa mga bagay na tinalikuran niya. Kung noon ay tumatakbo siya para tumakas, ngayon ay tatakbo siya para patunayan ang sarili. Patunayan na kahit sa ganoong sitwasyon, kalusugan, panahon at pag-iisip ay makakaya pa rin niyang gawin ang ninanais. Iisa lang ang gusto niyang patunayan, handa siyang magbago para sa ikabubuti ng sarili. Gusto niyang patunayan na ganap na siyang lalake na may bayag at handang manindigan.

Iniumang niya ang kamay sa semento. Inangat nang bahagya ang tuhod. Marahang ipinikit ang mga mata. At sa mabilis na pagdilat ng mga iyon, hudyat na para simulan niyang bumulusok. Sumulong siya, nauuna ang dibdib at wari'y ipinayayabong ang mga ito sa ginagawang pagkaripas. Maganda ang postura niya sa pagtakbo. Hindi mo aakalaing may iniinda siyang sakit.

May kabigatan ang mga sapatos niya at lalo pang bumigat nang makahigop ng karampatang tubig mula sa malakas na ulan. Hindi niya iyon alintana dahil na-eenjoy niya ang bilis na nagagawa. Sa bawat matapakan niya ay tumitilamsik ang mga basa. Hindi niya nararamdaman ang pagod dahil ang lamig ng panahon at nababanlawan siya ng malamig na tubig.

Limang minuto lamang ang hinihingi ng katawan niya. Lampas doon, maaaring bumigay ang mga kalamnan at humandusay na lang bigla. Napakabilis ng ginagawa niyang pagtakbo. Animo'y nakikisabay siya sa bilis ng hangin na dala ng malakas na ulan.

Wala pang tatlong minuto, ang malalaki at matutulin na kilos ay naging mabilis na paglalakad. Naging lakad. Naging hakbang. Bumabagal na siya. Hanggang sa nakatayo na lamang siya at papunta sa isang sulok. Hawak-hawak ang naninikip na dibdib. Nakarating siya sa isang sulok. Bumuwal ang mga paa niya at napahandusay siya hawak ang naninikip na dibdib.

May ilang mga tao na nakakita sa kanya. Pero ayaw siyang lapitan at bigyan ng tulong. Takot siguro maulanan. Mababaw na dahilan para sa kanya pero ayaw din niya na lapitan siya at kaawaan para bigyan ng tulong. Nagmadali siyang tumayo na para bang walang nangyari. Itinaaas niya ang dalawang kamay upang ipakita na ayos lamang siya. Napahiyaw siya ng "Woooh!". Pagkatapos, dahan-dahan siyang naglakad at sinimulan ulit ang pagtakbo.

Tatakbo siya hanggat gusto niya. Tatakbo siya hanggang tumigil ang katawan niya at kusang bumigay. Tatakbo siya hanggat may hininga pa siya. At kasabay ng pagtakbo niya, muli siyang nangarap na magiging mas responsable at mabuting tao. At sa kanyang pagtakbo, wala siyang nakikitang finish line. Dahil hindi siya hihinto sa pagtakbo dahil lang tapos na ang karera. Hihinto lamang siya sa pagtakbo kapag alam na niya sa sarili na sapat na ang nagawa niya. At naisaayos na niya ang lahat.

Sort:  

“Wag kang hihinto dahil pagod ka na. Huminto ka dahil tapos na.” -@oscargabat

Posted using Partiko iOS

ay oo tama un! tama nga ung sinabi ni manong @oscargabat diyan. swak na swak sa tema ng isinulat ko. pero ang galing ah, tumatak pala sa'yo un @czera. natandaan mo mga binitawan na quotes ni manong. nyahaha! 😂

Madali akong makalimot kuya @johnpd. Pero Kapag tumatagos sa kamalayan ko yung mga salita natatandaan ko talaga. Gaya nyang sinabi ni manong @oscargabat. 😅

Posted using Partiko iOS

madali kang makalimot pero matagal kang maka-move on. nyahaha! hugot talaga eh noh. pero tama din un na matandaan mo mga tamang aral. magandang panuntunan din sa buhay un. atsaka agree ako sa quote na binitiwan. pwede siya i-apply in all aspects of life. 😊

Congratulations @johnpd! You have completed the following achievement on Steemit and have been rewarded with new badge(s) :

Award for the number of upvotes

Click on the badge to view your Board of Honor.
If you no longer want to receive notifications, reply to this comment with the word STOP

You can upvote this notification to help all Steemit users. Learn why here!


Ibinahagi ang lathalang ito sa #pilipinas channel para sa mga curator ng Curation Collective Discord Community, binigyan ng upvote at ni-resteem ng @c-squared na account pagkatapos ng manu-manong pagsusuri.
This post was shared in the #pilipinas channel in the Curation Collective Discord community for curators, and upvoted and resteemed by the @c-squared community account after manual review.

Coin Marketplace

STEEM 0.22
TRX 0.27
JST 0.042
BTC 104536.45
ETH 3874.03
SBD 3.32