Ang Paborito Kong Alaala : Ang Unang Pitong Taon ng Aking Kamusmusan
Payak na pamumuhay, ito ang mayroon kami noon!
Gawa lamang sa kawayan ang aming tahanan at ang aming bubongan ay gawa naman sa dahon ng niyog. Naka-angat ang aming bahay sa lupa at kailangang humakbang ng tatlong baytang bago maakyat ang taas. Kaya naman, ang espasyo sa baba ay naging tambayan namin ng aking mga kaibigan tuwing kami ay naglalaro ng bahay-bahayan! All-in-one din ang aming tahanan, wala kasing dibisyon, kaya ang kwarto, sala, at kusina ay iisa lang! Sa Pilipinas, tinatawag namin itong bahay-kubo!
Kapos man kami sa buhay, mayaman naman kami sa pagmamahal!
Naaalala ko pa noong ako'y bata pa, ako'y umiihi sa aking kama. (Isang malupit at walang takot na rebelasyon!) Galit na galit si mama kasi ang hirap kaya maglaba! Sabi ng aking lola, isa raw itong sumpa! At mapupuksa lamang ang sumpa sa isang ritual na kaniyang isasagawa!
Ang lupit ng lola ko! Naisip niya agad kung paano isagawa ang ritwal! Naghulog siya ng limang piso sa ilalim ng aming tahanan, at kapag nakuha ko raw iyon ay mapapasakin na! Dati, ang limang piso ay kaylaki na! Kaya sinuong ko ang ilalim ng bahay at hinanap ang kayamanan!
Hindi ko alam kung bakit biglang lumamig ang katawan ko, langya, binuhusan pala ako ng tubig ng lola ko! Isang baldeng tubig na kay lamig ang aking natanggap! Nagsigawan silang lahat, sabi ni lola "Tapos na ang sumpa! Napuksa ko na!" Langya diba?
Akala ko talaga joke lang ang lahat! Pero sa di malamang dahilan, hindi na nga ako umihi sa higaan! Mula noon, naging idolo ko na si lola pagdating sa pagsugpo ng mga sumpa! Ang dami niyang alam, pero hindi ko na sasabihin, SM lang namin yun, sikretong malupit!
Wala na yatang mas sasaya pa sa alaala ng aking kabataan! Kaya sabay-sabay nating balikan ang mga masasayang alaala noong ang tanging problema ko lang ay ang puwersahang pagpapatulog sa akin tuwing hapon!
Unang alaala
Bago makarating sa paaralan ay kailangan naming lakarin ng aking mga kaibigan ang tatlong kilometrong daan! Sa haba ng kailangang lakbayin, may tatlong parte kaming kinatatakutan.
Una, ang tulay kung saan kasing lapad lang ng isang dangkal ang aapakan. Nagbibiruan pa kami at niyuyugyog ang tulay na manipis, pero nang lumaon ay naging eksperto na rin kami sa pagtawid.
Pangalawa, ang malaking balete kung saan may bulong-bulongan na may nakatirang white lady! Scary talaga! Kaya naman, tuwing dadaan kami, hindi namin nakakalimutang magsabi ng "tabi-tabi po"! Sabay takbo ng matulin!
Pangatlo, ang mga kalabaw! Ang mga kalabaw na kay tatapang, na tila ba ayaw kaming padaanin. Kaya sa bawat hakbang sa daanan, kami ay nakabantay at baka kami ay suwagin. Nakakatuwa dahil simula pa lang ng araw, intense na agad!
Pangalawang alaala
Natuto akong lumangoy dahil sa ilog na aming tambayan! Araw-araw akong pina-aalalahanan ni mama na huwag maligo sa ilog kapag walang kasamang matanda, kasi medyo may kalaliman ito at malakas ang agos!
Pero sadyang suwail ako at ang mga kaibigan ko dahil halos kada hapon naliligo kami sa ilog! Siyempre ang aming paboritong gawin ay magpanggap na sirena! Pangarap talaga naming magkaroon ng buntot noon. Gumawa pa kami ng chant upang humiling ng buntot!
"Sirena sa sapa dungga among tingog. Sirena sa sapa, tagai mig ikog!" Repeat 5x
"Sirena sa ilog, dinggin ang aming boses. Sirena sa ilog, bigyan mo kami ng buntot!" Repeat 5x
Buti na lang hindi kami narinig ng mga sirena, kundi baka tinubuan talaga kami ng buntot! At siyempre para hindi kami mahuli, hubo't hubad kami at suot lang ay panty! Bata pa naman kami noon kaya walang malisya! Kaya pagkauwi ng bahay, parang wala lang nangyari. Hindi kami nahuli! :D
Pangatlong alaala
Kung may gusto akong maranasan ng anak ko, iyon ay kung paano kami maglaro noon! Tumbang-preso, patintero, chinese garter, jolen, text, taguan, habulan, bahay-bahayan, siyatong, manghuli ng tutubi, gumawa ng bracelet gamit ang santan, gumawa ng bubbles gamit ang gumamela, Doktor KwaKwak, tigso (larong bisdak), -- lahat ng ito na-enjoy ko ng sobra noong ako ay bata pa!
Sobrang excited ako pagsapit ng hapon dahil oras na yun upang gumala at maglaro. Ang tanging problema ko lang talaga noon ay kapag pinapatulog na ako ni lola. Kaya ang ginagawa ko, kinukunan ko siya ng puting buhok sa ulo para mauna siyang makatulog. At kapag siya ay tulog na, yahoo, ako nama'y tatakas na!
Pang-apat na alaala
Isa rin sa aking paboritong alaala ay ang tree house na gawa ni papa. Pangarap ko talaga ang magkaroon ng tree house, at dahil marami namang puno sa paligid, unti-unti niyang binuo ang dream house ko!
Simple lang iyon, tela lang ang ginamit naming bubong, at nilagyan ko lang ng kung anu-anong abubot para magmukhang maganda. Pero sa mga panahong iyon, sobrang saya ko na, at gusto kong doon na tumira! Siyempre, imbitado ang lahat ng ka tropa! Sa house-warming ko, ang handa namin, dahon ng mangga at bulaklak ng gumamela na niluto namin sa loob ng lata ng sardinas! (Siyempre kunyaring pagkain lang yun.)
Panlimang alaala
Salamat sa ABS-CBN dahil pinasaya nito ang bahay ni lola gabi-gabi! Dati kasi si lola lang ang may TV sa aming lugar kaya dinadagsa ng mga kapitbahay ang bahay niya. Black and white pa ang mga TV dati pero sobrang na-enjoy na namin ang bawat panonood dito!
Pag dumating na ang alas syete ng gabi, full house na kami! Laging blockbuster sa amin ang action at horror movies, lalo na kapag si FPJ na ang bida o kaya si Manilyn Reynes! Ang tindi ng horror movie ni Mani na "Aswang", parang isang buong linggo ko yun napanaginipan! Sobrang nakaka-miss ang hiyawan, tawanan, at sigawan ng mga manonood sa bahay ni lola at isa ito sa mga alaalang hindi ko malilimutan.
Pitong taon akong nanirahan sa bukid, kung saan ang aming pamumuhay ay sobrang simple pero sobrang saya rin! Sa musmos kong isipan, lahat ng ito ay talagang tumatak sa akin! Lumipat din kami sa bayan kung saan ang tahanan ay konkreto na, at mayroon narin kaming sala, kwarto, at kusina.
Pero kahit marami nang nagbago sa aming pamumuhay, ang alaaala ng aming payak na pamumuhay sa bukid ang isa sa pinakamasayang yugto ng aking buhay!
Ito ay ang aking entry sa patimpalak ng ating Bayaning Puyat ng Tambayan na si sis @romeskie. Para sa kumpletong detalye ng patimpalak basahin lamang dito.
Lodi ko na rin si Lola mo. Ang galing, akalain mo yun haha. Ang witty lang.
Pero ako ay naniniwala sa nakatagong wisdom ng mga nagdaang henerasyon.
Napakaganda ng akdang ito, ate Maine. Talagang naparamdam sa akin ang masaya at magandang alalaala ng iyong kabataan 😊
Hahaha! Salamat junjun! Ang sarap balikan ng mga alaala ng kamusmusan! Andami pero ito nlng ung shinare q muna for now! 😄 Ang swerte natin (ay ilang taon ka na ba?😅) at naipanganak tau sa henerasyon kung saan di pa tau kontrolado ng teknolohiya. Iba parin talaga ang batang 90s! Char love ur own! 😅
Mas malapit ako sa millenial pero mas pusong 90s ako dahil laking lolo't lola din ako.
Pero parang magka-ederan lang tayong 18 😄Lakas mambola. Haha. Pero truth yan, ang bagets nyo po sa picture.
Ayeeee! Gusto ko yan JunJun. Di baleng thunder na sa edad, basta sa mukha parang kolehiyala parin! lol! Feeling ko! haha
ipakilala mo sa akin si lola, may sumpa akong nais ipatanggal. nyahaha! at ung mga laro niyo, parehas sa mga laro namin. di ko lang alam ano ung tigso. 😊
Gusto mo makilala si lola Japs? Sige ipa-summon ko muna, from heaven! 😅 Na edit ko na ung dr wakwak. hahaha. Solomot!
Ang galing ni lola! Gusto ko yung pamamaraan niya ng pagpuksa sa sumpa. Pero ang galing mo rin teacher minmin. Mantakin mo yun, matakasan mo ang tagabantay na si super lola! Mana ka lang din siguro sa kanya sa kagalingan. Haha
Salamat sa pagsali! :-)
Hahaha! Xempre sa kanya ako nagmana at natuto! Lol! Walang anuman sister! Basta ka tropa, suportado ko lagi! :)
Hey there Ohana! You were featured on the #110th edition of Steemitfamilyph's Featured Posts. Congratulations!
Thank you Ohana! 😍
Ibinahagi ang lathalang ito sa #pilipinas channel para sa mga curator ng Curation Collective Discord Community, binigyan ng upvote at ni-resteem ng @c-squared na account pagkatapos ng manu-manong pagsusuri.
This post was shared in the #pilipinas channel in the Curation Collective Discord community for curators, and upvoted and resteemed by the @c-squared community account after manual review.
Thank you so much c-squared! 😍