Masked Coquette: Ikalabing-limang Bahagi

in #nobela6 years ago

Ikalabing-limang Bahagi.PNG

MASKED COQUETTE

sa panulat ni @jemzem

Masked Coquette.PNG

Ang Nakaraan...

"I love you, Zheanne," he whispered sincerely.

Zheanne gave him a sweet smile and answered, "I love you, too. Please take me..."

He smiled back and gave a peck on her forehead and down to her lips. Masuyo niyang hinalikan si Zheanne habang ninanamnam ang sandaling natitikman niya ang matamis na labi nito.


Habang bumabaybay sa kaniyang balat ang maligamgam na tubig mula sa nakabukas na shower, kitang-kita ni Zheanne ang hubo't hubad niyang katawan habang nakaharap siya sa isang malaking salamin.

Sa tuwing nakikita niya ang kaniyang kahubaran sa isang salamin ay kusa na lang bumabalik sa kaniyang isipan ang pinakamasakit na alaala ng kaniyang nakaraan na siyang dahilan kung bakit siya nabuhay sa galit.

Limang taon na ang nakalipas, pero sariwa pa rin sa kaniyang isipan ang lahat ng nangyari.

"Please, Edward! Huwag mong gawin sa 'kin 'to!" Puno ng pagmamakaawa ang kaniyang mukha habang kumakawala ang masaganang luha sa kaniyang mga mata.

Nakapatong sa kaniya ang matalik niyang kaibigan na si Edward habang hinuhubaran siya nito ng saplot.

Wala siyang kamalay-malay na ito ang mangyayari sa kaniya. Pinuntahan lang naman sana niya ang kaniyang nobyo sa mansyong pinagtatrabahuan nito. Nakatanggap kasi siya ng text galing sa kaniyang nobyo at pinapupunta siya roon sa mansyon. Galing pa siya sa paaralan nila at nagmadali siyang pumunta roon.

Parehong nagtatrabaho bilang security guard ang nobyo niya at ang matalik nilang kaibigang si Edward sa isang mayaman na pamilya. Hindi niya alam kung bakit siya nito pinapunta roon, pero masama ang kutob niya kaya agad siyang napasugod. Pero hindi niya inaakalang ito ang mangyayari sa kaniya. Hindi niya lubos maisip na kaya itong gawin ng matalik na kaibigan sa kaniya.

Nang nakarating siya sa mansyong pinagtatrabahuan ng mga ito ay sakto namang nakita siya ng kaibigan sa tapat ng gate kaya agad siyang pinapasok nito. Pero bigla na lang siya nitong tinurukan ng tranquilizer at puwersahan siya nitong dinala sa isang kuwarto roon.

"Edward, promise...hindi ako magsasalita. P-pauwiin mo lang ako," nanghihina niyang sambit habang tinititigan ito sa mata.

Bahagya itong tumigil sa pagtanggal ng kaniyang saplot at umiwas ng tingin. "Ayokong gawin ito, Zen. Pero kailangan."

Tuluyan na nitong hinubad ang saplot sa kaniyang katawan at wala siyang nagawa kundi ang magpakawala ng luha. Hindi niya magawang manlaban kahit nagsusumigaw na ang kaniyang utak na sipain, itulak, at pagsasampalin ang traydor niyang kaibigan. Nandidiri siya sa tuwing lumalapat ang bibig nito sa kaniyang katawan. Inangkin at binaboy siya nito nang walang kalaban-laban.

Hindi na niya alam ang mga sumunod na nangyari matapos pagsawaan ni Edward ang kaniyang katawan. Unti-unti na rin kasi siyang hinatak ng antok kaya nakatulog siya.

Nang magising siya ay hindi niya nakita si Edward sa loob ng kuwarto. Unti-unti na ring bumabalik ang lakas niya kaya nakayanan na niyang makatayo. Agad siyang nagbihis at dahan-dahang nilisan ang kuwarto.

Nang makalabas siya ng bahay ay agad-agad siyang tumakbo papunta sa gate.

"Palabasin mo ako, Tony," mangiyak-ngiyak niyang wika sa guwardiyang nagbabantay sa gate.

Mabuti na lang at ito ang nadatnan niya at hindi si Edward. Bagama't wala na siyang tiwala sa mga kasamahan ng kaniyang nobyo ay nagbabakasali pa rin siyang maawa ang kaharap sa kaniya.

Naguguluhan man sa kakaibang kinikilos niya ay sinunod naman nito ang sinabi niya. Pinagbuksan siya nito ng gate at pinalabas sa lugar na iyon. Lakad-takbo ang ginawa niya makalisan lang sa lugar na iyon. Hindi niya alam kung anong gagawin kaya napahugot na lang siya sa kaniyang cellphone.

Nang tingnan niya iyon ay nakita niya naman ang isang text message ng kaniyang nobyo.

"Umuwi na ako ng apartment. Dito ka na lang pumunta."

"Deoll..." naluluha niyang sambit sa pangalan ng nobyo.

Hindi niya alam kung paano sasabihin dito ang ginawa ng matalik nilang kaibigan sa kaniya. Dahil hindi niya rin alam kung paano nagawa ni Edward na babuyin siya.

Mabuti na lang at isang kilometro lang ang layo ng apartment na tinitirhan nila mula sa mansyon ng pamilyang pinagsisilbihan ng nobyo niya. Sa iisang apartment lang sila nakatira ni Deoll. Simula kasi nang mamatay ang kaniyang ina na siya na lamang natitirang pamilya niya ay inalok siya ng nobyo na tumira na siya kasama nito. Isang taon na ang nakalipas simula nang magsama sila sa isang bubong. Naging maayos naman ang takbo ng kanilang pagsasama at ni minsan ay hindi sila nagkakaroon ng malaking away. Sa katunayan nga ay sinusuportahan pa ni Deoll ang kaniyang pag-aaral kahit hirap din ang nobyo na suportahan ang pag-aaral nito. Pero dahil sanay na rin ito sa hirap dahil sampung taon gulang pa lang ito nang maulila at natutong magbanat ng buto, nagapang nito ang pamumuhay nila. At isa nga ito sa dahilan kung bakit mahal na mahal niya si Deoll.

Nang makarating na siya sa tinutuluyan nilang apartment ay bigla na naman siyang kinutuban nang masama. Napahawak siya dibdib habang dahan-dahang pinipihit ang door knob.

Maliit pa lang ang awang ng pinto, pero nanlumo na siya sa nasaksihan ng kaniyang dalawang mata. Napatakip siya sa kaniyang bibig habang nag-uunahan sa pagbagsak ang masagana niyang luha.

Kitang-kita niya ang nakapatong na si Deoll sa hubad na katawan ng isang babae at kung paano ito binayo ng nobyo. Hindi siya makaalis sa kaniyang kinatatayuan. Nababato siya habang nararamdaman ang pagsikip ng kaniyang dibdib. Lalo lang siyang nasaktan nang makita kung sino ang babaeng kinababaliwan nito sa oras na iyon.

Hindi na niya nakaya ang nasaksihan kaya napatakbo siya palayo sa kanilang apartment. Hindi niya matukoy kung alin ang mas masakit sa nangyari sa kaniya nang araw na iyon. Ang pananamantala ba ni Edward o ang pagtataksil ni Deoll sa kaniya.

Gulong-gulo ang kaniyang isip sa nangyari. Malapit na siyang matakasan ng bait sa kaiisip kung bakit ang lupit ng kapalaran sa kaniya.

Itutuloy...


Ito po ang mga naunang bahagi ng ating kuwento:

Masked Coquette: Panimulang Bahagi
Masked Coquette: Unang Bahagi
Masked Coquette: Ikalawang Bahagi
Masked Coquette: Ikatlong Bahagi
Masked Coquette: Ikaapat na Bahagi
Masked Coquette: Ikalimang Bahagi
Masked Coquette: Ikaanim na Bahagi
Masked Coquette: Ikapitong Bahagi
Masked Coquette: Ikawalong Bahagi
Masked Coquette: Ikasiyam na Bahagi
Masked Coquette: Ikasampung Bahagi
Masked Coquette: Ikalabing-isang Bahagi
Masked Coquette: Ikalabing-dalawang Bahagi
Masked Coquette: Ikalabing-tatlong Bahagi
Masked Coquette: Ikalabing-apat na Bahagi

At para sa inyong mga komento at kuro-kuro, 'wag mag-atubiling ilagay ito sa comment box sa ibaba. Ako po'y labis na magagalak na mabasa ang komentong magmumula sa inyo. :D

Maraming salamat sa pagbabasa! :)

a.png

pinagkunan ng larawan: 1, 2

Maging bahagi sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Ikaw ba ay manunulat ng tula o maikling kuwento? O kaya ay nais malinang ang talento sa pagsusulat? Sumali sa mga patimpalak. I-follow ang @tagalogtrail para sa mga akdang Filipino at sumali rin sa aming talakayan sa discord: Tropa ni Toto

a.png

steemphbanner.png

Olodi_Jem_1.jpg

Sort:  

@jemzem, I gave you a vote!
If you follow me, I will also follow you in return!

Coin Marketplace

STEEM 0.26
TRX 0.25
JST 0.041
BTC 104367.10
ETH 3463.77
SBD 6.33