Literaturang Filipino : Ang Paglalakbay ni Pedrong Pagong

in #literaturang-filipino7 years ago (edited)

Sa malayong sulok ng kagubatan, malapit sa bundok, may isang baryo na pinamamahayan ng iba’t ibang mga hayop. Tahimik at matiwasay ang pamumuhay sa lugar. Isa sa mga naninirahan dito ay ang simpleng magsasakang si Pedro Pagong.

Ang buhay niya ay sadyang karaniwan at tila madaling makini-kinita sapagkat pabalik-balik lang ang kanyang gawain sa araw-araw. Paggising sa umaga, siya’y maglilinis sa sarili. Pagkatapos, maghahanda siya ng agahan at kakain. Siya’y magkakape malapit sa bintana ng kanyang kubo habang nakatanaw sa bundok kung saan sumisikat ang araw na siyang hudyat sa simula ng kanyang trabaho sa bukid. Ilang minutong paglalakad ang kanyang ginugugol para makarating sa bukid kung saan siya nagtatanim at nag-aani ng palay. Kapag papalubog na ang araw, umuuwi na siya sa kanyang kubo. Dahil sa kanyang pamumuhay, alam na niya kung anong gagawin niya bukas, sa susunod na araw, at sa mga sumusunod na araw. Hindi maikakaila na tila nababagot na si Pedro sa kanyang buhay.

Ninanais niya na maglakbay sa malalayong lugar, nais niyang maranasan ang buhay sa labas ng baryo. May kulang sa buhay niya at napagtanto niya na maaaring mahanap niya iyong kung siya’y maglalakbay. Alam niya na ang buhay ay sadyang napaka-iksi para lang ibuhos sa pagtratrabaho sa bukid.

"Iba ba ang hanging nalalanghap sa malayo?
"Iba ba ang agos ng mga ilog?

Gusto niyang mag-impake at makipagsapalaran ngunit may isang humahadlang sa kanya… takot. Takot siya na baka hindi niya magustuhan ang buhay sa labas ng kanyang nakagisnan, na baka mabigo lamang siya. Maraming takot ang bumabalakid sa kanyang gusto kaya minsan, pilit niyang kinakalimutan ang ideyang ito at ituon na lamang ang atensyon sa kasalukuyan.

Isang araw, binisita siya ng kanyang kaibigan na si Tandang Manok . Si Tandang Manok ang pinakamatanda’t pinakamatalinghaga sa buong baryo. Siya ang laging nilalapitan ng mga taga-baryo kapag sila’y nangangailangan ng payo. Ipinahayag ng pagong ang kanyang mga saloobin sa matanda, na siya namang matiyagang nakinig. Matapos magbahagi, isang minuto ang lumipas bago nagsalita ang matanda.

“Hindi mo kailangang umalis dahil isang araw, sa hindi mo inaasahang pagkakataon, paglalakbay mismo ang darating sa iyo. “ Umalis ang matanda at iniwang nalilito ang pagong.

Patuloy pa rin ang buhay sa bukid at sa tinagal-tagal ng panahon, nakalimutan na ng pagong ang ideyang maglakbay sa ibang lugar. Sa walang tigil na pagtratrabaho, nabili at naangkin ni Pedro ang limang ektaryang bukid.

Minsan, may dumayo sa kanilang lugar, isang mayamang negosyante kasama ang kanyang nag-iisang anak na si Lira. Napadpad sila sa bukid at doon nagkita si Pedro at si Lira. Sila’y nagka-ibigan sa unang tingin. Kalaunan, hiningi ni Pedro ang kamay ng dalaga at sila’y nagpakasal. Nagkaroon sila ng dalawang anak at mas lalong lumago ang kayamanan ni Pedro, na siyang pumasok sa negosyo sa tulong ng kanyang biyenan.
Tama nga si Tandang Manok, hindi niya kinailangan mag-impake at iwanan ang nakagisnang buhay upang mapunan ang puwang sa kanyang buhay. Siya mismo ang dinayo ng paglalakbay. Kasama ang pamilya, pinagpatuloy ni Pedrong Pagong ang paglalakbay tungo sa kinabukasan.

Taos puso po akong nagpapasalamat sa inyong pagbibigay ng oras para magbasa sa blog na ito. Nawa'y nagustohan ninyo ang aking munting handog sa inyo na ipamalas ang talento ko sa paggawa ng mga kuwento :)

Ito ay entry para sa "Literaturang-Filipino - Paligsahan sa paggawa ng Maikling Kuwento. (Contest#2)" sa @steemph.cebu #literaturang-filipino at #hayop

Hanggang sa muli,
@thonnavares

Image Source

Sort:  

Kamusta kaibigan! Ako si Toto isang bagong steemian at gusto ko lang sabihin na nagustuhan ko ang iyong kwentong likha tungkol kay Pedro Pagong. May aral akong nakuha sa iyong akda at nararapat lang na may upvote at suporta.

Bagama't ako ay nag-uumpisa palang pagdamutan mo nalang ang aking munting upvote, resteem at pag feature sa iyong gawa sa aking arawang "curation"

Sulat ka pa ng mga Tagalog na likha! dadami din tayo dito sa Steemit.

Para makita pa ang ibang likha na tagalog maari mong tignan ang
Ikalawang Edisyon ni Tagalog Trail

Salamat at sana ay manalo ka sa patimpalak ni @steemph.cebu!

Maraming salamat po ! Nawa'y maging matagumpay ako sa pagsali nito at sana ay marating natin ang nasa tuktuk ! ")

Coin Marketplace

STEEM 0.22
TRX 0.25
JST 0.038
BTC 102607.71
ETH 3229.14
SBD 5.18