NAPAKAWALANG KABULUHAN! - Ecclesiastes

in #life5 years ago

***************************DISCLAIMER***************************
Read at your own risk.
Hindi ako Theologian o Clergy.
Ito'y personal commentary.
Maaring tama para sa iyo o hindi.
Anyway pwede namang mag-comment.
Mahaba ito.
Kung sisimulan, hindi masusulit at hindi mo makukuha ang tunay na kaisipan kung hindi mo tatapusin... parang yung Ecclesiastes mismo.


May isang Amusement Park na kilalang-kilala ng lahat ngunit dahil sa mahal ng bayad at hirap puntahan, iilan pa lang ang nakakapasok at nakaka-experience ng kanilang mga rides at activity. Isang araw may isang binata, kasama ang lahat niyang kaibigan at kamag-anakan ang nagpunta sa Park at sinakyan lahat ng rides at pinuntahan lahat ng adventure. Nagsulat ang binata ng experience nya tungkol sa Park na gustung gustong puntahan ng lahat.

Ano mararamdaman mo kung ang sinasabi ng binata sa kanyang artikulo, "Walang saysay. Enjoy naman sya pero walang kwenta. Kahit sakyan mo lahat ng rides at puntahan lahat ng activity, hindi ka rin mag-e-enjoy. Pero kahit yun walang kwenta."

Kung ganyan ang review ng binata, mag-iipon ka pa ba ng pera para pumunta sa park?

Ganyan ang review ni Haring Solomon (as tradition tells) sa buhay dito sa mundo. Siya ang pinakamayaman at pinakamatalinong hari ng Israel. Nasulit nya ang mundo. Nakuha nya lahat ng gusto nya. Kayamanan, karunungan, babae, alak, kapangyarihan, etc. Namuno sya sa panahon ng kapayapaan sa lugar ng Israel. Ngunit maraming beses nyang inulit sa Ecclesiastes ang isa sa pinaka-depressing phrase sa pinaka encouraging books sa mundo: "Walang kabuluhan! Walang kabuluhan; lahat ay walang kabuluhan."

Isa sa paborito kong Book sa Bible ang Ecclesiastes. Makatotohanan. Straightforward. Basic. Practical. Full of wisdom. Siguro mawawalan ka ng gana kung mabasa mo na walang kwenta ang lahat. Ang dami nating pinagkakaabalahan at madalas ay pinapatay na natin ang ating sarili para makuha yung mga bagay na sinasabi ni Solomon na "walang saysay." Minsan pa nga umaabot sa pakikipagkagalit o samaan ng loob, stress, at burnout. Naalala ko tuloy yung sinabi ng Linkin Park:

"I tried so hard and got so far.
But in the end, it doesn't even matter.
I had to fall to lose it all.
But in the end, it doesn't even matter."
-- "In The End" by Linkin Park. Hybrid Theory Album (2000)

Sakit nun. After mo paghirapan wala rin naman palang saysay. Kaya hindi mo masisisi si Chester na sumigaw habang kinakanta yan.

Bakit nga ba sinabi ito ni Haring Solomon? Ano ba naisip ng mga Judio bakit kasama sa "Canon" books nila ang Ecclesiastes? Yan tuloy, ang buong Christian (or sabihin nating Catholic) Church ay ginagamit ang book na ito at tinuturing na "inspired by God" o "kinasihan ng Diyos" ayon kay Pablo.

Katulad ng sinabi ko sa simula, hindi natin pwedeng simulan ang pagbasa sa Ecclesiastes at tatapusin sa gitna. Kung hindi mo matapos ang kaubuan ng aklat, hindi mo makukuha ang kaisipan. Hindi ka pwedeng mag-conclude sa sulat ni Solomon kung ilang pangungusap lang ang kukunin mo at hindi mo isasama ang kabuoan.

Natutunan ko yan minsan ng tanungin ko ang aming Pastor na si DS Reuel Javier tungkol sa Ecclesiastes 7:16. Sabi nya sa akin, "Lahat ng proposition ng sumulat ay sinabi nya sa simula. Hindi ka pwedeng mag-conclude sa gitna ng hindi isinasaalang-alang yung conclusion nya na nasa dulo. Lagi mong isasama yung conclusion."

Ano ba yung Conclusion nya sa dulo na pinakamahalaga sa lahat?

"Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Lahat ng gawin natin, hayag man o lihim, mabuti o masama ay ipagsusulit natin sa Diyos."

  • Mangangaral (Ecclesiastes) 12:13-14 MBB

Kung hindi mo raw isasama iyan. Maliligaw ka.

APPLICATION:

Tunay ngang depressing ang mundo. Kaya hindi ka na magtataka dami ngayong nade-depress kahit mga bata. Napakabilis kasi ng ikot nito. Lahat nagmamadali. Lahat ng trabaho rush. Yung ibang kaedad mo o mas bata pa sayo, settled na o established na ang buhay at naikot na ang iba't ibang sulok ng mundo tapos ikaw nakatira ka pa rin sa silong ng magulang mo? Unfair ba? Bakit sila may chance ng ganun sa buhay tapos ikaw na naglilingkod sa Diyos at halos patayin ang sarili sa trabaho parang hindi umuusad? Kung ganyan mo tingnan ang buhay, "Walang saysay ang lahat ng iyan." Sabi sa nga sa Ecclesiastes 3, "Panapanahon" at sa Ecclesiastes 9:11 "... hindi lahat ng may kakayanan ay nagtatagumpay;...." Sabi pa sa Ecclesiastes 7:21 "Wag mong pakinggan lahat ng sasabihin sayo ng tao...."

Sa bandang huli, dapat lagi nating tandaan na lahat tayo magsusulit sa Diyos. Kalooban ba ng Diyos ang gagawin ko? Ano kaya ang sasabihin ng Diyos kapag ito ang plano kong gawin? Lumakad tayong kasama Sya. Kung hindi natin gagawin yun, hindi natin masusulit ang mundo. Tayo ang malulugi at magsasabing, "Wala ngang kwenta." Hindi natin makukuha ang "abundant" life na sinasabi ng Panginoong Jesus sa John 10:10b.

CONCLUSION NG BINATA SA KANYANG ARTIKULO

"Walang kwenta ang lahat ng mga rides at activity kung hindi mo susundin ang kabuoang instruction ng may-ari. Hindi mo makukuha ang experience na nais ibigay ng may-ari kung magsarili ka ng diskarte at hindi mo sya isasama sa iyong adventure."

INVITATION

Sa ganang akin, hindi lang ito sa Ecclesiastes applicable kundi sa kabuoan ng Biblia. Hindi natin masusulit ang mensahe ng Panginoong Diyos kung hindi natin mababasa ng buo. Yung plano ng Diyos ay makikita sa kabuoan nito at hindi natin makikilala ang Kanyang layunin kung kukuha lang tayo ng mga sitas ng hindi isinasaalang-alang ang kabuoan.

Isang buwan walang pasok ang marami sa atin at mananatili lang sa bahay. Iniimbitahan ko kayo na simulan nating magbasa ng Bible. May mga bahagi na hindi natin kayang unawain kaya't kahit siguro sa Ecclesiastes natin simulan. Sa tingin ko matatapos mo ang Ecclesiastes ng isang upuan.

"Higit sa lahat, unawain ninyong walang makapagbibigay ng sariling pagpapakahulugan sa alinmang propesiya sa Kasulatan, sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo." 2 Peter 1:20-21 MBB

Kung sasamahan ka ng parehong Espiritu na sumama sa sumulat, mauunawaan mo ang binabasa mo. Kaya't mahalagang manalangin at humingi ng patunubay sa Panginoong Diyos upang samahan ka ng Espiritu Santo bago magbasa.

"Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!” Lucas 11:13 MBB

Coin Marketplace

STEEM 0.27
TRX 0.27
JST 0.041
BTC 97937.87
ETH 3625.44
SBD 2.31