ULOG #4: SINIGANG NA BANGUS SA BAYABAS
Magandang araw sa lahat ng mga kapwa ko #ULOGGERS at #STEEMIANS
Isang napakalamig na umaga sapagkat ngayon ay umuulan sa aming lugar. Sa ganitong panahon, masarap kumain ng mga pagkaing may sabaw dahil sa malamig na panahon na dala ng ulan. Kaya naisipan kong iluto ang isa sa paboritong ulam ng aking katuwang sa buhay. Ang putahe na ito ay mayaman sa Vitamin C na mainam na panlaban sa sipon, at nagpapalakas din ng ating resistensya para panlaban sa sakit, dahil sa tuwing tag-ulan tayo ay mabilis na dapuan ng sakit.
Ang putahe na ito ay may sangkap na bunga ng BAYABAS at alam naman natin na mayaman ito sa Vitamin C.
MGA SANGKAP
- Isang buong bangus
- 1/4 kilo ng hinog na bayabas
- 1 Sibuyas
- Pinaghugasan ng Bigas
- Dalawang Tali ng Kangkong
- Siling Haba
- Asin
- Asukal
Ako ay maagang pumunta sa palengke at namili ng sangkap ng aking ilulutong putahe, tulad nitong bangus na aking nabili sa halagang 160.00 pesos. Pinalinis ko ito, pinatanggal ko ang kaliskis at pinahiwa ko sa pitong hiwa at ito ay aking hinugasang mabuti.
Pangalawa kong hinanap sa aming palengke ay ang bunga ng bayabas na aking nabili sa halagang 30.00pesos. Ito ay aking tinanggalan ng balat at hinati ko sa dalawa at aking hinugasan
Ang sangkap na ito ay natutunan ko sa kaibigan kong taga Pangasinan, tuwing nagluluto sya ng putaheng may sabaw tulad ng sinigang palagi nyang ginagamitan ng sabaw ng pinaghugasan ng bigas dahil may nakukuha daw sustansya galing sa pinaghugasan ng bigas kaya nakaugalian ko naring gawin ito sa mga sinigang kong putahe tulad nitong sinigang sa bayabas.
Sibuyas, Siling haba at Vetsin ang mga ito ay nakakadagdag ng linamnam o sarap sa aking putahe.
Kailangan din natin ng Kangkong, pwede ring gumamit ng talbos ng kamote sa putaheng ito. Siguraduhing malinis at nahugasan ang mga gulay na sangkap at ibabad sa tubig.
PAANO LUTUIN ang SINIGANG na BANGUS sa BAYABAS
Kumuha ng malinis na kaserola at ilagay ang bayabas at ang sabaw ng pinaghugasan ng bigas. Isalang sa kalan at pakuluan ito hanggang sa lumambot ang bunga ng bayabas.
Kapag ang bayabas ay malambot na hanguin ito at durugin sa pamamagitan ng kutsara o kaya ay tinidor at ibalik ito sa kaserolang nakasalang.
Isunod na ilagay ang hiniwang sibuyas, ilagay ang takip ng kaserola at hayaang kumulo ng 5 minuto.
Makaraan ang 5 minuto, isunod na ilagay ang bangus at siling haba. Ilagay ulit ang takip ng kaserola at hayaang kumulo ng 2 minuto.
Matapos ang 2 minuto, sunod na ilagay ang dahon ng kangkong at timplahan din kalahating kutsarang asukal at asin ayun sa iyong panlasa. Ilagay ang takip at pagkulo pwede ng patayin ang kalan o ang lutuan. Dapat ang gulay ay hindi masobrahan sa pagkakaluto.
Ganito lamang po kasimple lutuin ang putaheng ito, bukod sa masustansya na at mayaman sa Vitamin C, ito ay bagay na bagay sa maulang panahon. Pwede nang ihain at pagsaluhan ang putaheng ito, samahan ng bagong lutong kanin.
Hanggang sa susunod mga ka #ULOGGERS at #STEEMIANS. Abangan muli ang aking ibabahaging putahe para sa inyo. Ako ay lubos na nagpapasalamat sa inyong pagtangkilik sa aking mga ibinabahagi sa steemit.
#menu #bayanihan #recipe #foodie #culinary #pinoyfoods #pinoymenu #foodgasm #dailyfoodphotography #foodphotography #steemkitchen
Get your post resteemed to 72,000 followers. Go here https://steemit.com/@a-a-a
Ung fasting ka tapos ganito ang makikita mong pagkain huhuhu. Ang galing-galing mo pala magluto Ann.
Yun po talaga yung hangarin ko ang manggutom, salamat po!!! Asawa ko po talaga ang magaling pagdating sa pagluluto, natuto lang po ako sa kanya.
Pahiram ng tagaluto ansarap kc sa mata, magaya nga yan sa Bicol ako nakatikim ng ganyan. Nalimot ko saglit pangalan ko hahaha...
Noong una po ayaw ko neto dahil sa kanyang aromang mala kylie (kili-kili) pero nong natikman ko po ay akin din pong nagustuhan at pinag aralang iluto.
Salamat sir @otom
Resteemed your article. This article was resteemed because you are part of the New Steemians project. You can learn more about it here: https://steemit.com/introduceyourself/@gaman/new-steemians-project-launch
Hmm sarap nmn
Salamat sis 😊
Welcome