Alin ang Mas Mahalaga Kagandahan o Ugali? (What's more Important Beauty or Attitude? )
Photo not mine.
Sinasabi nilang ang kagandahan at ugali ay biyaya sa atin ng Diyos. Kagandahan na siyang nakakapagbukod tangi sa isang taong panlabas na anyo lamang ang tinitingnan. Ang ugali naman sa kabilang banda ay isa sa pinaka importanteng sangkap sa pagkatao ng tao dahil dito natin nahuhubog ang ating sarili upang kilatisin ang masama sa mabuti. Sa puntong ito, ating alamin kung alin ang mas matimbang: kagandahan ba o ang ugali?
Ang kagandahan ay sinasabing isa sa pinakamagandang ipinagkaloob sa atin ng Poong Maykapal. Bawat isa ay may taglay na kagandahan pero iyon nga lang may mas lamang. Tama sila, ang kagandahan ang nakapagbukod tangi sa isang tao lalo na kung may kaakibat itong busilak na kalooban. Pero hindi natin maiwasan na may mga tao talaga na sobrang taas ng tingin sa sarili nila, at ginagamit nila itong benipisyo para laitin ang kapwa. Kaya ang resulta, ayon, may damdaming nasasaktan at ang iba naman tinitiis na lang nila ang pang aalimpustang ginawa sa kanila. Walang kapangyarihang lumaban ang pangit para sa kanila. Sayang lang talaga, maganda nga ang mukha, kasingbaluktot naman ng kuba ang pag-uugali nito. Batay nga sa kasabihan, aanhin mo naman kaya ang iyong kagandahan kung puro kasamaan ang laman ng iyong isipan, para ka lang nakasuot ng maskara upang maitago ang kapangitan ngunit kapag inalis na ay saka na madidiskubre ang katotohanan.
Sa ibang banda naman, ang pagkakaroon ng magandang ugali ay isang daan upang makatanggap ka ng respeto sa kapwa natin tao. Respeto na siyang kinakailangan ng bawat tao at ito ang maisusukli nila sa'yo kung alam nila ang kabusilakan ng iyong kalooban. Maari ngang tama sila, hindi tayo perpekto pero kahit ganun man iyon, kung alam mo lang sa sarili mo ang kaibahan nga mali sa tamang pag-uugali,sigurado akong matutuwa ka sa sarili mo dahil kahit ikaw mismo nakatuklas na masarap pa lang maging mabuti lalo na kung napapasaya mo ang bawat isa sa simpleng kabutihang nagawa mo. At dito mo mapapatunayan na walang hadlang sa pagkamit ng mabuting pag-uugali kung ikaw mismo alam mo na ang mabuting maidudulot nito.
Sa pagkakataong ito, masasabi kong mas matimbang ang ugali kaysa sa kagandahan dahil ang kagandahan ay panlabas na anyo lamang, isa lamang imahe na pwede mong maiukit sa papel sa paraang gusto mo. Samatalang ang magandang ugali naman ang nagsisilbing pinakamahalagang propyedad na mayroon ang isang tao dahil kung mayroon ka nito, bawat kabaitan na pinapakita mo katumbas ay ang silay ng ngiti ng mga taong nakakasalamuha mo.
Salamat sa pagbasa.
@leizel